400 estudyante nalason sa cupcakes, ice candy Sa feeding program sa eskuwelahan

Food poison logo

MANILA, Philippines - Umaabot na naman sa 400 estudyante ang naratay sa pagamutan makaraang malason sa kinaing cupcakes at ice candy na ipinamahagi sa feeding program sa isang elementary school sa Calamba City, Laguna kahapon.

Ayon kay Vicente Tomazar, Director ng Office of Civil Defense (CALABARZON), nagsagawa ng feeding program sa Real Ele­mentary School sa Brgy. Real ng lungsod  bilang bahagi ng “nutrition program” ng City College of Calamba  sa recess ng mga bata dakong alas-10 umaga.

Gayunman, halos isang oras matapos makain ng mga elementary pupils ang ipinamahaging cupcakes at ice candy ay nagsimula silang dumaing ng matin­ding pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka at pagdudumi.

Ayon kay Christopher Nemes, administration officer ng Calamba City Disaster Risk Reduction Management Council sa iba’t ibang pagamutan sa Laguna at Sto. Tomas, Batangas,  ang mga biktima ay nagkakaedad ng 5-12 na nagsabing mapait umano ang lasa ng ice candy na ipinakain sa kanila.

Ang mga estudyanteng nagsasagawa ng on–the–job training (OJT) ang namahagi ng cupcake at ice candy.

Isinasailalim na sa pagsusuri ng mga health officials ang sample ng mga ice candy at cupcakes na nakain ng mga batang mag-aaral. (May ulat nina Chris­heil Acal at Berna­nikha Sambrano, trainees)

Show comments