NORTH COTABATO, Philippines – Hindi na maiuuwi pa sa South Cotabato ang bangkay ng overseas Filipino workers na binitay sa Saudi Arabia.
Ayon kay Nerlyn Esteva, asawa ng binitay na si Joven Esteva, inihayag nito na agad na inilibing ang bangkay ng kanyang mister bilang isang tradisyon matapos itong magbalik-Islam.
“Pagkakaalam ko Maam nalibing na eh. Tapos kahit ‘yung friend niya nagsabi sa akin na si Nerlyn huwag ka nang umasa dahil totally 100% hindi na maiuwi ‘yung bangkay diyan ni Joven kasi alam mo naman sitwasyon, nagbalik-Islam talaga siya,” pahayag ni Nerlyn
Si Nerlyn at ang apat na anak ay naninirahan ngayon sa Purok Paghiliusa, Barangay Topland sa Koronadal City, South Cotabato.
Ayon naman sa kapatid ni Joven na si Alma Esteva dela Cruz ng Barangay Manili, Lutayan, Sultan Kudarat, hinihiling sana ng kanilang pamilya na maiuwi pa ang bangkay ng kanyang kapatid.
Dagdag pa nito na humingi na sila ng tulong sa lokal na opisyal ng Sultan Kudarat at Department of Foreign Affairs (DFA) upang maiuwi ang bangkay ng kapatid.
Sa ngayon, hindi pa umano alam ng kanilang ina na binitay na si Joven.
Si Joven na namasukan bilang family driver ay pinatawan ng parusang kamatayan dahil sa pagpatay sa kaniyang Saudi employer noong 2007.
Nagawa umano nito ang krimen matapos silang magtalo ng kanyang among doktor ng hindi siya pinayagan na makauwi sa bansa dahil sa pagkakasakit.