2 coed nakatakas sa kidnaper

MANILA, Philippines – Dalawang estudyante ang masuwerteng nakaligtas matapos silang tangkaing dukutin ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng Nuñez Street, Zamboanga City kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Gizel Liao, 21-anyos, Celyne Prill Fernandez, 20, pawang Radiological Technological students sa University of Zamboanga.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 9 Spokesman Inspector Dahlan Samuddin, dakong alas-10 ng gabi habang naglalakad sa lugar ang magkaibigang estudyante nang biglang huminto sa kanilang harapan ang isang kulay pu­ting van na hindi nakuha ang plaka.

Bumaba ang di kilalang mga suspek na tinangkang sunggaban ang da­lawang estudyante upang isakay sa van pero nagawa nilang magpumiglas at nagtatakbo patungo sa loob ng Ciudad Medical Hospital.

Bunsod sa posibleng komosyon at makahingi ng saklolo ang mga biktima, napilitang tumakas ang mga suspek lulan ng van patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Sinusuri na ng mga imbestigador ang CCTV sa bisinidad ng Ciudad Medical Center upang matukoy ang mga suspek at magkaroon ng lead sa kaso.

Show comments