BULACAN, Philippines – Napaslang ang isang security guard na tinangkang manlaban matapos itong pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki na nangholdap sa binabantayang pawnshop sa Barangay Calvario, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng tanghali. Naisugod sa ospital subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Rodney Inggano, nakatalaga sa E & C Jewerly Shop sa Contreras Street sa nasabing barangay.
Base sa ulat ni PO2 Christoper Baltazar, nag-break time ang mga kawani ng nasabing pawnshop nang kumatok ang dalawang di-kilalang lalaki na nakasuot ng uniporme ng pulis na sinasabing nagpanggap na bibili ng mga alahas kaya pinagbuksan naman ng biktima.
Kaagad na nagsunuran ang tatlong iba pang kasabwat ng dalawang naka-uniporme ng pulis habang ang tatlo naman ay nagsilbing lookout sa labas ng pawnshop.
Hindi na nakapalag ang biktima subalit inakala ng mga holdaper na manlalaban ito kaya pinutukan ng isa sa apat kung saan pinagbabasag ang mga salamin sa naka-display na mga alahas.
Tinangay din ang dalawang armas ng mga sekyu, mga personal na ari-arian ng mga kawani saka tuluyang tumakas lulan ng apat na motorsiklo patungo sa direksyon ng Valenzuela City.