CAVITE, Philippines - Dalawa-katao na pinaniniwalaang miyembro ng sindikato ng droga ang sinalvage ng mga di-kilalang lalaki saka inabandona sa bakanteng lote sa Barangay Langkaan 1, Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng dalawa na natagpuan dakong alas-9 ng umaga sa bakanteng lote na pag-aari ng pamilya Enano. Kapwa nakagapos ang mga kamay at paa na may mga tama ng bala ng baril sa noo. Walang suot na t-shirt, nakayapak, at naka-itim na short na maong ang isa sa biktimang may tattoo na rosary sa kaliwang kamay. Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang iniimbestigahan ang nasabing insidente.