Drug den ni-raid: 3 todas, 17 arestado

Iprinisinta sa mga mamamahayag ni P/Supt. Charlie Cabradilla ang mga nasamsam na pekete ng shabu, drug paraphernalias, baril mula sa sinalakay na drug den sa Kalye Demonyo kung saan napatay ang tatlong notoryus na drug pusher. STAR/ Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Tatlo-katao na pinaniniwalaang notor­yus drug pusher ang napatay habang 15-lalaki at dalawang babae  naman ang nasakote matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang bahay na ginagawang drug den sa Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga.

Kasalukuyang bineberipika ng pulisya ang tunay na pagkakakilanlan ng tatlong napatay na may mga alyas Michael, Pogi at Alyas Lingko habang isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek kabilang na si Daisy Alayon, ka-live-in ng may-ari ng drug den na si Amir “Tangkad” Minda.

Base sa ulat na isinumite kay P/Supt. Charlie Cabradilla, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Amir Minda sa Kalye Demonyo matapos magpalabas ng search warrant si Judge Ramon Pamular ng Guimba Regional Trial Court Branch 32, Nueva Ecija.

Papasok pa lamang sa eskinita ang mga operatiba ng pulisya ay natunugan na ito ng mga alipores ni Minda kaya sumiklab ang bakbakan hanggang sa mapatay ang tatlo.

Nasamsam sa mga suspek ang 36 plastic sachet na shabu, apat na digital weighing scale, mga drug paraphernalia, cal.45 pistol, cal. 9mm psitol, dalawang cal.22 revolver, dalawang cal. 38 revolver, dalawang cal. 22 rifle na may silencer, mga samurai, mahabang kris at labing-apat na motorsiklo na ginagamit ng mga suspek sa kanilang modus operandi.

Sa tala ng pulisya, lumilitaw na napatay ng mga tauhan ni Minda ang dalawang pulis na sina PO1 Freddie Claro at PO2 Arsil Nasir noong Oktubre 2014 habang naglalakad sa kahabaan ng Kalye Demonyo na sinasabing pugad ng mga drug pusher.

Show comments