Radio broadcaster patay sa ambush
MANILA, Philippines – Isang radio broadcaster ang nasawi matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang motorcycle riding gunman sa naganap na ambush sa harapan ng kanilang radio station sa Tagbilaran City, Bohol kahapon.
Kinilala ni Supt. Joie Pacito Yape, Spokesman ng Bohol Provincial Police Office ang biktima na si Engineer Maurito Lim, brodkaster sa DYRD radio sa nasabing lungsod.
Bandang alas-10:45 ng umaga, ayon kay Yape habang ang biktima ay nakatayo sa tapat ng DYRD radio station sa nasabing lungsod nang biglang sumulpot ang salarin na sakay ng motorsiklo at pagbabarilin ito.
Agad namang tumakas ang suspek patungo sa hilagang direksyon ng Brgy. Inting ng nasabing lungsod.
Nagawa pang maisugod ang biktima sa Governor Celestino Gallares Hospital pero binawian rin ito ng buhay dakong ala-1:15 ng hapon
Inihayag ni Yape na bumuo na ng Special Investigating Task Group (SITG) ang Bohol Police upang imbestigahan ang motibo ng krimen.
Sa tala, umpisa 1992 ay umaabot na sa 79 ang kaso ng mga pinaslang na mediamen sa bansa kung saan sa ilalim ng administrasyon ay mahigit na sa 20 ang napatay na mamamahayag.
- Latest