Truck vs van: 2 patay, 10 kritikal
NORTH COTABATO, Philippines – Dalawang pasahero ang namatay habang 10 naman ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang pampasaherong van at forward truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay Sinawilan, bayan ng Matanao, Davao del Sur kamakalawang hapon.
Si Dennis Elebado ng Sto. Niño bayan ng Makilak, North Cotabato ang isa sa namatay habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang biktima kabilang ang driver at konduktor ng pampasaherong van.
Kabilang sa mga malubhang nasugatang dinala sa Southern Phils. Medical Center ay sina Maria Tausa, Ronald Cagebed, Ariel Calaraga, Reynald Terante, Petty John Pudulino, Maria Vilma Parada, Belinda Merin, Agnes Hesansa, Nina Tilaca at si Danilo Tilaca.
Sa pahayag ni Davao del Sur Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Michael John Dubria, naganap ang sakuna dakong alas-3:20 ng hapon.
Bumabagtas ang GT Express Service van ni Roy Lobrego na may biyaheng Kidapawan City-Davao City nang salpukin ito ng kasalubong na forward truck (GGB 434) na minamaneho ni Julius Generale, 44, ng Bansalan, Davao del Sur .
Sa inisyal na imbestigasyon, nakaidlip ang driver ng truck kaya naganap ang sakuna.
Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at multiple frustrated homicide.
- Latest