NORTH COTABATO, Philippines - Bago pa ang pagkamatay ng dalawang bomb carrier sa bayan ng Pikit, North Cotabato, tatlong improvised explosive devices ang natuklasan at napigilang sumabog sa tower 25 ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao kahapon ng umaga.
Ayon sa hepe ng Pagalungan PNP na si P/Insp. Blame Lomase, inilagay ang bomba na gawa sa bala ng 60mm mortar sa mga poste ng tower 25 na may dalawang kilometro ang layo mula sa highway, sa Barangay Layug.
Natuklasan ng caretaker ng NGCP tower ang mga kable na nakakabit sa bomba matapos itong mag-inspeksyun kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis kasama ang bomb squad ng Phil. Army na nakabase sa bayan ng Kabacan na siyang nag-defuse ng mga bomba.
Matatandaan na pinasabog din ang transmission tower number 26 ng NGCP sa Barangay Malagakit, sa nasabing bayan noong Enero 13.
Binomba rin ang tower 41 ng NGCP na ilang kilometro lang ang layo sa Batulawan Elementary School sa bayan ng Pikit sa North Cotabato noong Enero 17.
Nagdulot ng malawakang blackout sa North Cotabato, Maguindanao, at Cotabato City ang mga pagpapasabog.