Death toll sa Zamboanga blast 2 na; 54 sugatan
MANILA, Philippines - Lumobo na sa dalawa katao ang death toll habang 54 pa ang nasugatan sa malagim na pambobomba ng mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Brgy. Guiwan, Zamboanga City nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command, ito’y matapos na isa pang biktima ang bawian ng buhay sa pagamutan.
Isa sa mga nasawi ay kinilalang si Reynaldo Tan habang kabilang naman sa mga nasugatan ay isang pulis. Ang mga nasugatan ay nilalapatan ng lunas sa iba’t ibang pagamutan sa lungsod ng Zamboanga habang ang iba naman na bahagya lamang ang tinamong sugat ay nakauwi na sa kanilang mga tahanan.
Kasabay nito, inihayag naman ni Zamboanga City Mayor Isabelle “Bing” Climaco na ang mga bandidong Abu Sayyaf ang hinihinala niyang nasa likod ng pambobomba.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang sumabog na bomba pasado alas -3 ng hapon ay nakalagay sa isang nakaparadang kotseng KIA sa harapan ng isang Videoke Bar sa may terminal ng bus na matatagpuan sa kahabaan ng Maria Clara Lobregat Highway sa nasabing lungsod
Sinabi ni Lobregat na bago ang pambobomba ay nakatanggap ng mga pagbabanta ang lokal na pamahalaan mula sa mga bandidong Abu Sayyaf na maghahasik ang mga ito ng terorismo sa lungsod ng Zamboanga bunsod upang magtaas ng red alert status ang mga awtoridad. (Joy Cantos)
- Latest