MANILA, Philippines – Napatay ang 50-anyos na drug pusher habang nadakip naman ang ka-live-in nito makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa kahabaan ng Sumulong Road sa Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling araw. Kinilala ang napatay na si Miguel Ralp Villareal na gumagamit ng alyas kuya Mike, at Daddy Mike ng Esguerra Compound sa Barangay Mayamot.
Si Villareal ay nagtamo ang tatlong tama ng bala sa katawan habang nadakip naman ang ka-live-in nitong si Maribeth Kalibo, 22, ng Sitio Peñafrancia sa nasabing barangay.
Sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Bernabe Barba, pinahihinto ng pulisya ang motorsiklo ng magka-live-in matapos itong dumaan sa checkpoint subalit pinutukan ang mga nagbabantay kaya nauwi sa shootout. Narekober sa dalawa ang cal. 38 revolver, 32 gramo ng shabu, mga drug paraphernalia at dalawang cell phone.