LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Pinaniniwalaang aabot sa 10-katao ang nilamon ng mga pitak na bato matapos matabunan ang tatlong bahay sa naganap na landslide sa Sitio Iraya, Barangay Inang Maharang sa bayan ng Manito, Albay kahapon ng umaga.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang mga rescue team sa nasabing lugar dahil ang mga kalsada na patungo sa Sitio Iraya ay naharangan ng malalaking tipak na mga bato at putik dulot ng Bagyong Amang na halos magdamag na pag-ulan.
Double time ang isinasagawang pagkilos ng mga kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan upang kaagad na marating ang nasabing lugar.
Maging ang mga residente na nakatira sa nasabing lugar ay nagsilikas para sa kanilang kaligtasan dahil sa takot na patuloy ang landslide.
Nabatid na nagkaroon ng lindol sa nasabing barangay na sinasabing sanhi ng landslide dahil na rin sa malakas na buhos ng ulan.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na sa tatlong bahay na natabunan ay may ilang miyembro ng pamilya na nakituloy dahil sa Bagyong Amang subalit hindi inakala ang mga ito na guguho ang bundok.
Ilan sa mga residente ay nagtulung -tulong upang hukayin ang mga biktimang natabunan para mailigtas.
Umaabot sa 32, 625-katao (7,427 na pamilya) ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa lalawigan ng Albay kahapon ng madaling araw.