Kapitan, itinumba

Cavite, Philippines — Dalawang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang barangay chairman makaraang barilin ito sa loob mismo ng kanilang Brgy. Hall sa Bayan Luma 2, Imus City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Sultan Wahid Saliling, 39-anyos­, Muslim, tubong Mindanao at Chairman sa Bayan Luma 2 ng lungsod.

Nakilala naman ang isa sa tatlong suspek na si Jammy  Macaborod alyas Amboy, 30-anyos, isa ring Muslim, tubong-Lanao Del Norte, DVD vendor sa Imus public market at residente ng Brgy. Bayan Luma 2, Market road ng nasabi ring lugar.

Sa imbestigasyon ni PO2 Ernesto Dasalla may hawak ng kaso alas-6:30 ng gabi ng  pagbabarilin ng suspek ang biktima sa loob ng Brgy. Hall.

Ang biktima ay nasapul ng dalawang tama ng bala ng cal. 45 pistol sa ulo na siya nitong ikinamatay habang mabilis na tumakas ang suspek kasama ang dalawa pang lalaki na nagsilbing lookout sa krimen.

Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso.

Show comments