NORTH COTABATO, Philippines – Pinaniniwalaang personal na galit ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang kalihim ng Barangay Mayo sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat kamakalawa.
Apat na bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ni Baganday Sinomangkay, 56, ng nabanggit na barangay. Base sa ulat, naghahapunan ang biktima kasama ang pamilya sa kanyang bahay nang pasukin at ratratin ng di-kilalang lalaki.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Inspector Teng Bakal, hepe ng Columbio PNP, may matagal na umanong alitan ang pamilya ng biktima at suspek. Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng cal .45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon.