MANILA, Philippines – Sinalubong ni kamatayan ang lima-katao habang 15 naman ang nasugatan makaraang kumalas ang trailer truck ng DOLE Stanfilco kung saan nabagsakan ang kasalubong na pampasaherong jeepney sa kahabaan ng highway sa Barangay San Isidro sa bayan ng Talakag, Bukidnon kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni P/Inspector Edwin Mondalo, hepe ng Talakag PNP, tatlo sa mga biktimang sina Irish Mae Napay, Ethel Talaroc, at Blessel Corneta ay idineklarang patay sa Talakag Hospital.
Samantala, namatay naman sa ospital sa Cagayan de Oro City si Barangay Kagawad Ricardo Napay at isang hindi pa nakilalang babae.
Sugatan naman sina Jovy Mae Allera, Samantha Fe Allera, Rex Napay, Arnold Paano, driver; at dalawang anak na lalaki ni Paano na sina Arnel at Arkem na kapwa konduktor; Neil Lumigue, Perlita Labial, Jimmy Macia, Florencio Sabugaa, misis nitong si Emma, anak na si Emma Flor at isang hindi pa nakilalang pasahero.
Dalawa sa mga biktima na nasa kritikal na kondisyon ay ang mag-inang Leah Mae Napay at ang 13-anyos nitong anak na si Ryan Napay na ginagamot sa Maria Reyna Hospital.
Bandang alas-5 ng hapon nang kumalas ang head tractor ng trailer truck (PUV-347) na kargado ng saging pagsapit sa pakurbadang highway na patungong Cagayan de Oro City.
Nadaganan ng head tractor sa pagbaliktad sa kaliwang bahagi ng highway ang pampasaherong jeepney na lulan ang mga biktima.
Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang driver ng trailer truck matapos ang trahedya.