MANILA, Philippines – Dalawa-katao kabilang ang sinasabing notoryus na drug pusher ang napaslang habang sugatan naman ang isang pulis makaraang sumiklab ang shootout sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa beach resort sa Barangay Lewin, bayan ng Lumban, Laguna kamakalawa.
Kinilala ang mga napatay na sina John Aristotle Juaño na nasa wanted list ng pulisya bilang notoryus na drug pusher; at Virgilio Villarin na tinamaan ng ligaw na bala sa pamamaril ni Juaño.
Sugatang naisugod sa pagamutan si PO2 Juanito Bacsal Jr. ng Lumban PNP.
Sa ulat ni P/Supt. Florendo Saligao, Laguna PNP director ng Laguna, nagsagawa ng buy-bust operation sina PO2 Bacsal at PO1 Glicerio Cruzen na umaktong poseur-buyer laban kay Juaño na napaulat na nagtutulak ng bawal na droga.
Matapos na makipag-deal ang dalawang pulis kay Juaño na iniaabot na ang ilang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P12,000 ay nagpakilalang pulis si PO1 Cruzen kung saan dinisarmahan ang suspek.
Gayon pa man, may isa pang baril si Juaño kaya pumalag ito at nagpaputok kaya tinamaan ang sibilyang si Villarin at nasugatan ang isa pang pulis.
Bunga nito, napilitan ang isa sa kasamahan ng dalawang pulis na tinukoy lamang sa apelyidong PO3 Galang na nagsisilbing perimeter security na barilin si Juaño.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang tatlo pero idineklarang patay sina Juano at Villarin.
Narekober sa pinangyarihan ng barilan ang dalawang baril, mga bala, at ang marked money na ginamit sa buy bust operations.