Manager itinumba ng tandem

MANILA, Philippines – Patay ang branch ma­nager ng isang motor com­pany makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang armadong  motorcycle riding-in-tandem sa kahabaan ng Rizal Ave­nue, Brgy. San Franciso, Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rito Masong, 43-anyos, ng Branch 2 Odyssey Motors na nagtamo ng mga tama ng kalibre .45 pistol sa ulo.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas-6 ng gabi habang lulan ang biktima ng  kulay puti at itim na XRM motorcycle 125 (7875 JL) at kaangkas si Junriel Lesaran at kanilang binabagtas ang nasabing lugar nang biglang hara­ngin ng dalawang na suspek na magkaangkas sa MC XRM-125 motorsiklo na walang plaka.

Agad umanong binunot ng backrider ang kanyang kalibre .45 pistol at pinaputukan sa ulo ang biktima kung kaya sumemplang ang motorsiklong sinasakyan nito. Pagbagsak sa espaltadong kalsada, tinutukan ng salarin si Lesaran pero hindi na  niya pinaputukan hanggang sa tumakbo palayo sa lugar.

Ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas matapos na masigurong napuruhan ang target.

Show comments