Taga-Eastern Visayas nagpanic buying kay Ruby

MANILA, Philippines - Nagpanic buying na ang libu-libong Yolanda survivors sa Eastern Visayas partikular na sa Eastern Samar at  Leyte dahil sa pagpasok ng Super Typhoon Ruby (Hagupit) sa Sabado (Dis 6).

Sa press briefing kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (NDRRMC), ibinahagi ni Department of Energy Secretary Jericho Petilla ang impormasyon ng panic buying sa Eastern Samar at Leyte partikular na sa Tacloban City.

Ito’y matapos namang ideklara na ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng US Navy na isa nang Super Typhoon si Ruby na pumasok sa Philippine Area of Responsibility kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng JTWC, si Ruby na sinasabing mas malakas pa kay Super Typhoon Pablo noong Disyembre 2012 ay may taglay na lakas na  hanging 130 KT (240 kph) at 160 KT (296 kph) na bugso.

Si Petilla ay taga Leyte at maraming kamag-anak na opisyal ng lokal na pamahalaan sa lugar na siyang nagbigay ng impormasyon.

Ayon kay Petilla, sa katunayan ay nagsipagsara na ang malalaking groceries dahil ubos na ang supply ng pagkain at gamit kung saan wala  na ring mabilhan ng pagkain.

Samantala, pahabaan din ng pila sa mga department store at maging  ang mga taong nagwi-withdraw ng pera sa mga bangko.

Nabatid na binabalot ng matinding takot at naalarma ang mga residente dahil sa dinanas na ma­tinding pasakit ng Super Typhoon Yolanda na halos walang tindahang nagbukas at wala ring mabilhan ng pagkain makalipas ang unos noong Nobyembre 8, 2013.

 

Show comments