CAVITE, Philippines – Pinaslang matapos pagbabarilin ng mga armadong salarin ang isang municipal councilor ng bayan ng Tanza, Cavite, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Jonnel Estomo ang biktima na si Wilfredo Nunes, 56 anyos, residente ng Brgy. Daang Amaya, Tanza.
Bandang alas-6 ng umaga nitong Sabado ng madiskubre ang bangkay ng biktima na duguang nakahandusay na may tama ng bala sa ulo at dibdib may 20 metro ang layo sa rest house nito sa Chatue Subdivision, Brgy. Julugan 8 ng nasabing munisipalidad.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-8 ng gabi nitong Biyernes ng makita pa ng mga residente ang biktima na nagtungo sa kaniyang resthouse.
Gayunman, kahapon ng madaling araw ay nagulantang na lamang ang mga ito sa narinig na mga putok ng baril mula sa lugar na kinatagpuan sa bangkay ng biktima. Sa follow-up investigation ay natukoy naman ang isa sa mga suspek na si Romeo Guibao alyas Romy.