BATAAN, Philippines – Walo-katao ang nasakote ng mga awtoridad makaraang maaktuhang isinasalin ang saku-sakong bigas ng National Food Authority (NFA) sa ibang sako para maging commercial rice sa bahagi ng Olongapo-Gapan Highway sa Barangay Mabini, bayan ng Dinalupihan, Bataan noong Miyerkules (Nob. 26)
Sa police report na isinumite kay P/Supt. Rizalino Andaya, hepe ng Dinalupihan PNP, pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Henry Cortes ng Barangay Saranay, Cabatuan, Isabela; Artemio Guzman ng Barangay San Miguel, Burgos, Isabela; Raymundo Mones ng Barangay Del Pilar; Romnick Artana ng Barangay Del Pilar; Jomar Alboperi ng Barangay Rosebelt, Dinalupihan; Jerick Corpuz ng Barangay Sinlawet, Kawayan, Isabela; Angelito Bacani ng Barangay Mabini Extension, Dinalupihan; at si Sta Maria Vivas ng Barangay Mabini Ext.
Ayon sa ulat, lumilitaw na lulan ng tatlong trailer truck ang 2,700 cavan ng NFA rice na nagkakahalaga ng P3.6 milyon ang nadiskubre ng dalawang tauhan ng Dinalupihan Municipal Marshal kaya humingi sila ng tulong sa mga operatiba ng pulisya.
Naaktuhan ang mga suspek sa madamong bahagi ng nasabing lugar na isinasalin ang mga bigas ng NFA sa ibang sako para maging commercial rice.
Kasalukuyang pinigil ng mga awtoridad ang tatlong trailer truck na may mga plakang PLL-776, BCM-781, at PRH-589 na kinargahan ng kontrabando.
Napag-alamang nagmula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang 2,700 sakong bigas ng NFA.