BULACAN, Philippines – Napaslang ang 43-anyos na lalaki habang malubha naman ang kanyang among negosyante matapos ratratin ng dalawang di-kilalang holdaper na lulan ng motorsiklo sa Mabalacat City, Pampanga kamakalawa ng gabi. Tatlong tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Rolito David habang nakikipaglaban naman kay kamatayan ang amo nitong si Antipola Canlas 58, kapwa nakatira sa Madapdap Resettlement Center sa nasabing lungsod. Sa police report na nakarating sa Camp Olivas, pauwi na ang mag-among naglalakad nang harangin at holdapin ng riding-in-tandem. Gayon pa man, pumalag si Canlas para hindi kunin ang kanyang bag na may malaking halaga subalit dalawang ulit siyang binoga habang si David naman ay niratrat sa ulo.