LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng revolutionary tax kaya niratrat ng mga rebeldeng New People’s Army ang tatlo-katao na malubhang nasugatan kabilang ang may-ari ng koprahan sa panibagong paghahasik ng karahasan sa Barangay Danao, bayan ng San Jacinto, Masbate kahapon ng umaga. Kasalukuyang ginagamot sa San Jacinto District Hospital ang mga biktimang sina Kagawad Marites Espinilla, 48, may asawa; Melisa Dominguiano, 15, estudyante sa high school; at si Michael Lignes, 38, may asawa, magsasaka. Sa inisyal na ulat ng pulisya, abala ang mga biktima sa pagluluto ng kopra nang lapitan at pagbabarilin ng mga rebelde. Napag-alamang humihingi ng revolutionary tax ang mga rebelde sa may-ari ng koprahan na si Kagawad Espinilla subalit hindi ito makapagbigay dahil sa kakaunting halaga ang kinita.