Lolo tinaga ng apo dahil sa mana

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Nakikipagbuno kay kamatayan ang 59-anyos na lolo matapos itong pagtatagain ng kanyanng apong lalaki na nanghingi ng mamanahing sakahan sa Barangay Macapil, bayan ng Piat, Cagayan kamakalawa. Kasalukuyang ginagamot sa Cagayan Valley Medical Center ang biktimang si Jose Eladio Domingo habang sumuko naman ang suspek na si Gerardo Domingo na kapwa residente sa nasabing bayan. Sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Noel Magbitang, hepe ng Piat PNP, nagtungo sa kanyang lolo ang suspek upang hilingin ang mana nitong lupain na nilalayon niyang sakahan para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya. Gayon pa man,  mahigpit na tumutol ang biktima hanggang nauwi sa tagaan ang kanilang pagtatalo. Sumuko sa pulisya ang suspect matapos ang insidente.

Show comments