MANILA, Philippines – Nagbuwis ng buhay ang dalawang parak matapos pagbabarilin ng mga kasamahan ng isang lider ng elementong kriminal habang nagsisilbi ng warrant of arrest sa bayan ng Moalboal, Cebu kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang dalawang napaslang na pulis na sina PO3 Fabi Fernandez, 53; at PO1 Alrazid Gimlani; pawang mga miyembro ng Moalboal Police Station (MPS).
Sa ulat ng tanggapan ni Cebu Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Noel Gillamac, dakong alas-8 ng gabi ng magtungo ang mga operatiba ng pulisya sa Brgy. Tumuloy sa bayang ito upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek na si Michael Aquino.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Judge Leopoldo Cañete ng Barili Regional Trial Court kaugnay ng illegal aktibidades na kinasasangkutan ni Aquino na hinihinalang nagtatago ng mga armas at droga sa lugar.
Nabigo namang maaresto ng pulisya si Aquino habang nahuli naman ang mga kasamahan nitong sina Rolly Tabanao, Allen Amad at Phil John Ibriza.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng inventory ang grupo ng pulisya sa kanilang mga nakumpiskang ebidensya laban sa grupo ni Aquino nang bigla na lamang ang mga itong makarinig ng putok ng baril mula sa labas ng tahanan ng suspek.
Dead-on-the-spot ang dalawang parak na nagsisilbing perimeter operatives sa isinagawang operasyon habang sinamantala naman ito ng mga kasamahan ni Aquino sa pagtakas kabilang ang mga nasakote ng pulisya.