Pinoy biggest loser winner, arestado
MANILA, Philippines – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang 40-anyos na dating pulis-Pasig na wanted sa pagpatay sa isang sheriff matapos itong arestuihin ng mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Milaor, Camarines Sur kamakalawa.
Kinilala ni P/Senior Supt. Primo Golingay, hepe ng Public Information Office ng Camarines Sur PNP ang suspek na si Larry Galvan Martin na sinasabing itinanghal na Biggest Loser Pinoy Edition Winner sa isang television reality show noong 2011.
Bandang alas-12:45 ng hapon nang masakote ng pangkat ni P/Senior Inspector Gilmore Ruizo si Martin sa Barangay Sto. Domingo sa nasabing bayan.
Inaresto si Martin base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Intia ng Naga City Regional Trial Court Branch 27 kaugnay ng kasong pagpatay sa isang Sheriff.
Naglaan naman ang korte ng P120,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Martin.
Si Martin ay dating pulis-Pasig City subalit nagbitiw dahil sa sobrang katabaan hanggang sumali ito sa reality show sa television network na Pinoy Biggest Loser na may pababaan ng bawas sa timbang noong 2011.
??Gayon pa man, sa hindi inaasahang pangyayari, nasangkot si Martin sa pagpaslang kay Sheriff Rommel Licmoan ng Naga City noong 2012 matapos magkapikunan habang nag-iinuman sa videoke bar.
- Latest