4 miyembro ng pamilya patay sa sunog

MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng isang pamilya kabilang ang 96-anyos na lola at mag-aama­ ang nasawi makaraang makulong ng apoy sa loob ng nasu­sunog na tahanan  ng mga ito noong Biyernes ng hatinggabi sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte.

Kinilala ang mga na­sawing biktima na sina Lola Rosalinda Capalungan, anak nitong si Inocencio at tatlong paslit na apong sina Mich John, 10; at Beejay, 5-anyos; pawang hindi na halos makilala sa tindi ng pagkasunog ng mga ka­tawan.

Ang mag-aama ay magkakayakap pa nang ma­rekober ng mga awtoridad na pinaniniwalaang tinangkang lumabas pero napapalibutan na ng apoy ang buong kabahayan.

Sa ulat ng Ilocos Norte Fire Marshal, naganap ang sunog sa tahanan ng pamilya Capalungan dakong alas-12 ng hatinggabi habang mahimbing na natutulog ang mga biktima.

Ang sunog ay nagmula sa kuwarto ng matandang babae na pinaniniwalaang sanhi ng kandila na gina­gamit nito sa pagdarasal na naiwang nakasindi at natumba hanggang sa matupok ang kabahayan na gawa sa mahihinang uri ng materyales.

Naapula naman ang apoy matapos ang mahigit isang oras. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments