2 Army, sibilyan pinabulagta
MANILA, Philippines - Nabahiran ng dugo ang birthday celebration makaraang ratratin hanggang sa mapatay ang dalawang sundalo at isang babae sa isa na namang paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay San Vicente, bayan ng Gumaca, Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Col. Rhoderick Parayno, commander ng Army’s 201st Infantry Brigade ang dalawang sundalo na sina Pfc. Christopher Dingle at Pfc. Alpasain Ikan na mga nakatalaga sa 85th Infantry Battalion.
Samantala, ang sibilyang nadamay sa karahasan ay si Rosalie Mary Ann Brillantes na nag-celebrate ng birthday.
Nabatid na nag-iinuman at nagkukuwentuhan sa birthday party ng kanilang kaibigan ang dalawang sundalo nang lapitan at ratratin ng mga rebelde.
Sinabi ng opisyal na nagawa sanang makaligtas ni Brillantes dahil sa kabila ng sugatan ay nagawa nitong makatakbo pero hinabol at tuluyang tinapos ng mga rebelde.
Inihayag pa ng opisyal na sasampahan nila ng kasong kriminal ang mga rebeldeng sangkot sa brutal na pamamaslang.
- Latest