MANILA, Philippines – Halos hindi na makilala ang isang pamilyang may tatlong miyembro matapos paslangin at sunugin kahapon sa isang liblib na barangay sa lungsod ng Isabela sa lalawigan ng Basilan.
Sa kabila ng sinapit ay kinilala pa rin ni Senior Superintendent Albert Larubis, hepe ng Isabela City Police, ang mga biktimang sina Rotillo Gonzaga, 57, asawang si Lucia-Laurencio Gonzaga, 47, at ang 11-anyos na anak na si Virgilo na pawang nakatira sa Barangay Kapayawan.
Sinabi ni Larubis na nadiskubre ang tustadong bangkay ng mga biktima ng kanilang landlord na si Rodel Ariola bandang 3:15 ng hapon kahapon.
Hindi pa naman matukoy ng mga awtoridad kung paano pinaslang ang mga biktima.
“The investigating officer found no signs of the weapons used in the murder of the victims and how they were killed except that their bodies were found inside the kiln.”
Inaalam pa rin ng pulisya kung sino ang nasa likod ng krimen at kung ano ang motibo niya.