3 negosyante patay sa Batangas ambush

MANILA, Philippines – Patay sa pananambang ang tatlong negosyante matapos paulanan ng bala ng armadong kalalakihan kagabi sa lalawigan ng Batangas.

Patungo lamang sana sa isang restaurant ang mga biktimang sina Jonathan Tolosa, Cesar Manalo at Isko Ramos nang mangyari ang insidente.

Pawang nasa negosyo ng buy and sell ng scrap metals ang tatlo na mga taga-Barangay Sta. Maria sa bayan ng Bauan.

Samantala, nagpapagaling naman sa Mabini General Hospital ang mga nakaligtas na sina Miguel Aldovino, Marlon Orsaal at Rea Bernales.

Lumabas sa pangunang imbestigasyon na patungo sana ang mga biktima sa isang restaurant sa bayan ng Mabina nang paulanan sila ng bala ng hindi pa matukoy na bilang ng mga suspek.

Nakatakas ang armadong kalalakihan sakay ng isang Toyota na sasakyan.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pag-atake at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Show comments