Bagong hepe ng AFP SOLCOM nanungkulan na
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines - May bago ng heneral ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command na magtitimon laban sa mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Pormal na nanungkulan kahapon si Maj. General Ricardo Visaya bilang Commading General ng SOLCOM na sumasakop sa Region 4 at Region 5, kapalit ng nagretirong si Lt. Gen. Ceasar Ronnie Ordoyo.
Sumaksi at nagsilbing presiding officer sa turn-over of command si AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. Sa panahon ng kanyang pamumuno sa SOLCOM ay ipinatupad nito ang kampanyang “KAAGAPAY” na bahagi ng Internal Peace and Security Plan “Bayanihan” ng AFP sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga nasabing rehiyon.
Katuwang din ng Office of the Civil Defense ang SOLCOM sa mga disaster rescue and relief operations sa Bicol at Region 4 provinces.
Ang pinakahuling achievement ni Ordoyo bago ang kanyang pagreretiro kasabay ng kaarawan kahapon (Sept. 8) ay ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng may 26-rebeldeng NPA at pagkakaloob sa kanila ng cash assistance sa tulong ng provincial government ng Quezon.
Nangako naman ang bagong talagang SOLCOM Commander na si Maj. Gen.Visaya na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang kampanya laban sa insugency sa pamamagitan ng kampanyang sinimulan ni Ordoyo.
- Latest