NUEVA ECIJA, Philippines – Pinaniniwalaang depresyon dahil sa kahihiyan sa eskuwelahan kaya nagdesisyong magpasalubong kay kamatayan ang 15-anyos na high school student matapos itong magbigti sa likuran ng kanilang bahay sa Barangay Pacac, bayan ng Guimba, Nueva Ecija noong Lunes ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Joshua Cosilet y Urmatan, 4th year high school student sa San Andres National High School sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon, bandang alas-12:15 ng tanghali nang natagpuan ng kanyang ina ang biktimang nakabitin sa puno ng mangga sa likuran ng kanilang bahay.
Narekober naman ang suicide note ng biktima kung saan sinisisi umano nito ang dalawang guro na sina Grace Galang at Virginia Liwanag.
Base sa suicide note, kinumpronta umano ang biktima ng dalawa nitong guro at ipinahiya kaugnay sa pagpapaamin ng biktima na responsable sa pambabastos at malisyosong salita sa isang hindi pinangalanang mag-aaral.
Gayon pa man, matinding dinamdam ng biktima ang kahihiyang inabot at pagyurak sa kanyang pagkatao ng dalawang nasabing guro na nauwi sa matinding depresyon kaya ito nag-suicide.