13-anyos kinastigo sa paglalaro, nagbigti

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang kinastigo ng mga magulang sa sobrang paglalaro kaya nagdesisyong magpasalubong kay kamatayan ang 13-anyos na lalaki matapos itong magbigti kamakalawa ng hapon sa Barangay Bolong, Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nadiskubre ang pagpapa­tiwakal ng biktimang si Edwin Evangelista bandang alauna y medya ng hapon sa bahay ni Nenita Enriquez sa nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa nasabing bahay kung saan stay-in ang kaniyang kinakapatid na lalaki bilang helper ni Enriquez.

Nagpaiwang mag-isa sa bahay ang biktima matapos na magtungo sa palaisdaan ang kinakapatid nito at ang among si Paul Enriquez.

Gayon pa man, laking gulat ng mag-amo nang pag-uwi ay madatnan ang biktima na nakabigti sa palupo ng bahay.

Bagaman napagalitan ng mga magulang ang binatilyo dahil sa palagi itong wala sa kanilang bahay sa sobrang paglalaro ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.

 

Show comments