3 bangka lumubog: 12 nasagip, 21 nawawala
MANILA, Philippines - Umaabot sa 12-katutubong Badjao ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy habang nasa 21 naman ang pinaghahanap makaraang lumubog ang tatlong bangka sa karagatan ng Sibutu Island sa Tawi-Tawi kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Captain Rowena Muyuela, spokesperson ng AFP Western Mindanao Command, kabilang sa na-rescue ay apat na bata at walong matandang Badjao na dinala sa pagamutan. Kinilala ang mga nasagip na sina Fernando, 33; Masboy, 36; Alma, 35; Mussaidita, 34; Juwilna, 40; Rutima, 16; Persali, 6; Nursa, 4; at iba pa na may mga apelyidong Alimati.
Nabatid na binalya ng malalakas na alon ang bangkang sinasakyan ng mga katutubo kaya unti-unting lumubog bandang alas-6 ng gabi. Ang mga biktima ay patungong Sabah, Malaysia para magbenta ng isda nang mangyari ang insidente kung saan napagawi sa lugar ang M/V Savina ng Australia patungong China. Agad namang kinontak ng M/V Savina ang rescue team ng Phil. Navy kaya nasagip ang mga biktima.
Sa pahayag naman ni Myrna Angot, director ng OCD-ARMM, kabilang sa mga nawawala ay anim na bata na sina Misa Alimati, 3; Inda Sita Alimati, 2; Milnoy Alimati, 2; Biboy Alimati, 3; Damiha Alimati, 4; at si Diyansi Alimati, 2.
- Latest