TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Sa halagang P6,100 mistulang itinaya ng 35-anyos na pulis ang kanyang dangal at trabaho kasama ang kanyang misis matapos masakote ng mga operatiba ng pulisya kaugnay sa panghoholdap sa may-ari ng skin care shop sa Barangay Macanaya, bayan ng Aparri, Cagayan kamakalawa.?
Pormal na kinasuhan ni P/Chief Insp. Mina Domingo, hepe ng Aparri PNP ang mag-asawang suspek na sina PO3 Arsenio Getalado Segundo Jr. ng National Capital Region Police Office; at Lamee Segundo, 34, kapwa nakatira sa Barangay Ambatali, bayan ng Ramon, Isabela.?
Ang mag-asawa ay positibong kinilala ng biktimang si Arlene Seguie, 23, ng Barangay Macanaya sa nasabing bayan.
Lumilitaw sa police report, pinasok ng mag-asawa ang klinik ang biktima saka hinoldap bandang alas-3 ng hapon.
Nabatid sa ulat ng pulisya na tinakpan ang bibig ng biktima saka kinaladkad sa palikuran at doon ginulpi bago tumakas ang mag-asawa lulan ng kotseng may plakang BCK283.
Gayon pa man, mabilis na nakalabas ang biktima at humingi ng saklolo kaya nasakote ang mga suspek.
Nasamsam sa mag-asawa ang ilang drug paraphernalia, posas, PNP ID at cal. 9mm pistol.