MANILA, Philippines - Pito-katao ang sinalubong ni kamatayan habang 20 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang bumangga ang kanilang truck sa mga puno ng niyog sa tabi ng highway sa Barangay Poblacion, bayan ng Linamon, Lanao del Norte kamakalawa.
Kabilang sa mga namatay ay sina Rasmiyah Didaagun, 25; Jehan Didaagun,12; Noraima Pundag, Mabul Obinay, 35; Amarodin Linang, Abdul Rashid Hasan, at Maoday Sanairay na pawang nakatira sa Barangay Pendulonan, bayan ng Munail.
Sugatang isinugod sa pagamutan sina Kedinganlina Ampuan, Ali Khan Pantao Didaagun, Sultan Dimasangla, Janodin Abdulwahab Pintor, Mohamad Amola Acmad, Ninaya Cauyag Mangcol, Abdul Asis Cauyag Sulan, Norhanifa Pantao Didaagun at iba pa.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Domingo Murillo II, hepe ng Linamon PNP, naganap ang trahedya sa kahabaan ng highway sa Purok 7 dakong alas-3:25 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, papauwing magkakasama ang mga biktima sa truck na minamaneho ni Abdul Azis Baro mula sa pakikipaglamay sa namatay na kaibigan sa bayan ng Wato, Lanao del Sur nang maganap ang trahedya.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng preno ang truck kaya inararo ang mga puno ng niyog sa tabi ng highway.
Sa lakas ng pagkakabangga ay dead-on-the-spot ang apat na biktima habang namatay naman sa pagamutan sa Iligan City ang tatlo.