Imahe ng birhen winasak, binata kalaboso
MANILA, Philippines - Dahil sa paglapastangan sa imahe ng mahal na birhen na nagkaputul-putol matapos ihambalos, bagsak kalaboso ang isang 23-anyos na binata sa Poblacion, Godod, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Kinilala ang naarestong suspek na si Saturn Gonzalo Padica, residente ng Purok 3, Brgy. Poblacion ng bayang ito.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9 dakong alas-6 ng umaga kamakalawa ay nag-report sa pulisya si Carlito Dajuela, 45 anyos, Kalihim ng Parish Council sa Our Mother of Perpetual Help Church sa nasabing lugar.
Ayon kay Dajuela, laking gulat niya ng magising kinaumagahan at makitang nagkaputul-putol ang inihambalos na mamahaling imahe ng mahal na birhen sa grotto sa harapan ng nasabing simbahan.
Ilang oras pa isang Bienvenido Bongabong, 18-anyos residente sa lugar ang nangumpisal kay Fr. Ronald Balugo, kura paroko rito na nakita niya mismo ang suspek na umano’y nasa impluwensya ng alak nang lapastanganin nito ang imahe ng mahal na birhen.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga operatiba ng pulisya at nasakote ang suspek.
- Latest