Sales agent ni-rape ng Kenyan

MANILA, Philippines - Nailugso ang pagkababae ng 22-anyos na sales agent ng cable company makaraang halayin ng isang Kenyan sa Barangay Talamban, Cebu City, Cebu noong Martes ng gabi.

Pormal na kinasuhan ng pulisya ang nasakoteng suspek na si Eliud Kiplimo Lelei na nahaharap sa kasong rape laban sa babaeng sales agent ng cable company sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Cebu City PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-6 ng gabi nang magtungo ang biktima sa bahay ng suspek dahil sa tumawag sa pinaglilingkuran nitong cable company  para ayusin ang koneksyon ng kaniyang cable TV.

Sa salaysay ng biktima, pagdating niya sa bahay ng suspek ay agad siya nitong kinulong sa kuwarto saka ginahasa.

Nang dalhin ng mga pulis sa presinto, itinanggi naman ng dayuhan ang alegasyon at sinabing kinukuwartahan lamang siya ng biktima at ipinakita pa nito ang ilang text messages na iniimbitahan siyang mag-sex.

Gayon pa man sa medical certificate ng biktima ay nakita ang mga palatandaang ginamitan ito ng puwersa ng suspek para maisagawa ang maitim na balak.

Nabatid na ang suspek ay dating inaresto sa isa pang kaso ng rape habang determinado naman ang biktima na ipursige ang kaso.

Show comments