Apartment owner pinatay ng tenant

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang away sa bayad ng renta sa tinutuluyang paupahang silid kaya sinaksak at napatay ang 54-anyos na apartment owner ng isa nitong tenant sa Barangay Holy Redee­mer, Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.

Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Socorro Lulo Ocate, may-ari ng mga paupahang apartment, kuwarto at boarding house sa nasabing lungsod habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Edgar Beruan, 49.

Sa police report, duma­ting sa kaniyang paupahan sa Satorre Street ang biktima upang maningil ng renta pero tumangging magbayad ang suspek dahil gipit umano ito sa pera.

Gayon pa man, sumiklab ang mainitang pagtatalo sa pagitan ni Ocate at ni Beruan dahil ilang buwan na umanong hindi nagbaba­yad ng renta ang suspek.

Sa kainitan ng pagtatalo ay nairita ang suspek sa banta ng biktima na palalayasin na ito sa inuupa­hang kuwarto kapag hindi nakabayad.

Nagdilim naman ang pa­ningin ng suspek na biglang kumuha ng patalim at tinarakan sa dibdib ang biktima na bagaman nagawa pang maisugod sa MJ Santos Hospital ay na­bigong maisalba ang buhay.

 

Show comments