MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang napaslang habang isa pa ang nasugatan makaraang makasagupa ng tropa ng militar ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Huwebes ng hapon. Ayon kay Major Ray Tiongson, spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division, nagsasagawa ng peace and development program ang tropa ni Lt. Col. Ariel Reyes ng Army’s 47th Infantry Battalion nang ratratin ng mga rebelde. Agad namang gumanti ng putok ang tropa ng mga sundalo na nagresulta sa 30-minutong bakbakan kung saan napatay sina Corporal Napoleon Supresencia at Private First Class Henry Lumio Jr. Isinugod naman sa pagamutan ang sundalong nasugatan na si Private First Class Leland Sucatre. Nagawa namang matangay ng mga rebelde ang dalawang M16 rifles ng mga napatay na sundalo.