BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Isang ginang ang dinagit ni kamatayan matapos aksidenteng tumbukin ng isang motorsiklo sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. Mungia, Dupax del Norte kamakalawa.
Nakilala ang biktima na si Julie Pineda, 54, habang ang suspek ay nakilalang si Dareen Cacayan, 20, binata at kapwa residente sa nasabing lugar.
Sa inisyal na ulat ni SPO3 Ricarte Oliveros, dakong alas- 12:45 kamakalawa nang maitala ang pangyayari matapos matumbok ng rumaragasang Rusi motorcycle na walang plaka na minamaneho ng suspek ang biktima na noon ay naglalakad sa gilid ng kalsada.
Matinding pinsala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang tinamo ng biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Maliban sa walang plaka ang motorsiklo ay wala rin umanong lisensiya ang suspek at nasa impluwensiya pa ng alak nang maganap ang insidente.