MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng pamilya ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang rifle grenade sa isang baybaying barangay sa bayan ng Maasim, Sarangani kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rolando Tamuay, 32; kapatid nitong si Jenny Dula, 36 at anak ni Jenney na si Jinky. Ang magkapatid na Tamuay ay pawang dead-on the-spot habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang bata.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Laila, misis ni Tamuay na 3- buwang buntis, pinsan nitong si Dinah Abey, 32 at Maming Cabelol, 55.
Sa ulat ni Inspector Rodel Javison, hepe ng Maasim Police, dakong alas-7 ng umaga ng maganap ang insidente sa Brgy. Lumasal ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon kasalukuyang nag-aalmusal ang mga biktima nang bigla na lamang sumambulat ang 40 MM rifle grenade na agad sumapul sa mga biktima.
Ang nasabing 40 MM rifle grenade ay napag-alamang napulot ni Rolando sa kaniyang bukirin na iniuwi nito sa kaniyang tahanan upang ibenta umano sa junkshop.
Nabatid na nalaglag sa bulsa ni Rolando ang nasabing 40 MM rifle grenade na biglang sumabog na ikinapahamak nito at maging ng miyembro ng kanilang mga pamilya.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.