Trader nilikida sa harap ng misis

BULACAN , Philippines--- Nagdulot ng takot at sindak sa mga kos­tumer na kumakain sa loob ng isang restaurant matapos na likidahin ang negosyanteng lalaki sa harap ng kanyang asawa sa karahasan sa Brgy. Concepcion, Baliwag, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Nabigo ng maisalba ang buhay sa Marcelo Hospital ang biktima na si Roderick Peña, 44 anyos, negosyante ng baboy at residente sa Rocka Village, Brgy. Burol 1st, Balagtas ng lalawigan sanhi ng tinamong apat na tama ng bala sa katawan at ulo.

Base sa imbestigasyon nina PO3 Dante Castillo at PO2 George Cruz dakong alas-12:50 ng hapon ay nagtungo ang biktima kasama ang misis na si Winnie Peña at apat na tauhan upang kumain ng tanghalian sa Aling Luring Goto & Serkele sa Brgy. Concepcion ng mangyari ang insidente.

Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang isang lalaking nakasuot ng helmet at itim na jacket na agad pinagbabaril ang biktima gamit ang cal.45 pistol. Isinasailalim pa ng pulisya sa pagsisiyasat ang motibo ng krimen.

 

Show comments