MANILA, Philippines - Dalawang paslit na magkapatid ang nasawi matapos na malunod habang isa pa ang nawawala makaraang tangayin ng malakas na agos habang tumatawid sa ilog sa bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental nitong Biyernes.
Kinilala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama ang mga biktima na sina Juliet, 8 anyos at Danny Sabanal, 6 taong gulang.
Ang mga biktima ay narekober ang bangkay ng search and rescue team ilang oras matapos ang mga itong malunod.
Patuloy namang pinaghahanap ang nakatatanda ng mga itong kapatid na si Shiela Sabanal, 16 anyos na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha sa umapaw na ilog.
Sa ulat, kagagaling lamang sa eskuwelahan ng mga bata pasado alas-4 ng hapon at pauwi na sa kanilang tahanan ng tangayin ng malakas na agos sa ilog ng Brgy. Manalongon ng bayang ito.
Ang mga biktima ay inabutan ng pag-apaw ng ilog na tuluy-tuloy na nilamon ng rumaragasang baha na siyang kumitil sa buhay ng dalawang paslit.
Nabatid na ang pag-apaw ng ilog ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar umpisa pa nitong nakalipas na mga araw.