MANILA, Philippines - Napatay si Impasug-ong Mayor Mario Okinlay makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang convoy nito habang pabalik na sa kanilang munisipyo mula sa medical mission sa Bukidnon kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Christian Uy, spokesman ng Army’s 4th Infantry Division, naganap ang pananambang sa Barangay Buntungan sa bayan ng Impasug-ong bandang alas-8:20 ng umaga.
Nabatid na katatapos lamang ng medical mission (Hatid Serbisyo) program ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Okinlay nang pagbabarilin ang convoy ng opisyal kung saan kaagad na nagsitakas ang mga rebelde.
“It was a harassment attacked, after firing the rebels fled immediately,” ani Uy na sinabi pang ikinagalit ng mga rebelde ang progreso ng nasabing barangay dahil sa programa ng lokal na pamahalaan ay nawala ang simpatiya sa NPA ng mga residente.
Inilatag na ang malawakang pagtugis ng tropa ng militar at pulisya laban sa grupo ng mga rebelde na sangkot sa pananambang sa nasabing opisyal.
Sa tala ng pulisya, napatay din si dating Kadilingan, Bukidnon Mayor Joselito Talaid matapos tambangan ng mga holdaper noong Mayo 2013 kung saan tinangay ang P7-milyong cash na dala ng nasabing opisyal.