4-anyos napatay ng 6-anyos

MANILA, Philippines - Aksidenteng nabaril at napatay ng 6-anyos na batang lalaki ang naka­babata nitong kapatid na 4-anyos habang naglalaro sa bakuran ng kanilang bahay sa Barangay East Bajac-Bajac sa  Olongapo City kamakalawa ng umaga.

Sa naantalang ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente sa bahay ng pamil­ya Villarin sa #2710 Rizal Avenue, Upper Sibul 1 sa nabangit na lungsod.

Sa salaysay sa pulisya ni Eder Villarin, 35, driver sa Customs Port of Subic, at ama ng mag-utol, kamakalawa lamang niya naiulat ang insidente sa pulisya dahil sa sobrang depresyon na pinagdadaanan ng kaniyang pamil­ya sa naganap na krimen.

Ang biktimang itinago sa pangalang Junjun Villarin ay idineklarang patay sa St. Jude Hospital dahil sa tinamong tama ng bala ng cal. 45 pistol sa ulo.

Halos matulala naman at hindi makausap ang naka­baril na itinago sa pangalang Aljohn na sinasabing inakalang laruan lamang ang hawak na baril.

Ayon kay Eder, kasalukuyan siyang natutulog nang magising sa malakas na putok ng baril sa loob ng kanilang bahay.

Nang usisain niya ang pinagmulan ng putok ay bumulaga sa kanya ang du­guang bunsong si Junjun habang si Aljohn naman ay nakatulalang umiiyak at nakatingin sa nabitiwang cal. 45 pistol.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang nasabing baril ay sinasabing pag-aari ni Jhobal Sebarrotin, 30, ng Botolan, Zambales.

Nabatid na ang baril ay itinago naman ni Eder sa drawer ng cabinet sa kanilang bahay at dahil sa sobrang kalikutan ay nakita ng bata kung saan inakalang laruan kaya ipinutok sa kaniyang kapatid habang naglalaro.

 

 

Show comments