Barangay chairman uli, itinumba

BATANGAS , Philippines   - Isang araw matapos mapatay ang 57-anyos na barangay chairman sa bayan ng Calaca, isa na namang punong barangay ang pinatay sa bayan ng Mabini, Batangas noong Miyekules ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Ins­pector Luisito Limbo, hepe ng Mabini PNP ang biktima na si Chairman Edelito Beloso, 44, ng Barangay Talaga East sa nasabing bayan.

Sa police report, papauwi na si Beloso mula sa  piyestahan kasama ang isa pang barangay chairman at konsehal ng bayan nang tambangan ng dalawang armadong lalaki pagsapit sa bahagi ng M. Panganiban Street, Barangay Poblacion bandang alas-11 ng gabi.

Isinugod pa si Beloso sa Mabini General Hospital pero namatay din ito makalipas ng isang oras.

Hindi naman nadamay ang dalawang kasama nito matapos makatakbo papalayo sa crime scene.

Narekober sa crime scene ang 4 na basyo at slug ng cal. 45 pistol kung saan sinasa­bing gumamit ng silencer ang gunman.

Sa tala ng pulisya, napa­tay din si Chairman Bernardo Buño ng Barangay Puting Bato West sa bayan ng Calaca, Batangas matapos ratratin sa loob ng kanyang compound.

Show comments