State of calamity sa Cotabato
NORTH COTABATO , Philippines - Idineklara na ang state of calamity sa buong bayan ng Alamada, North Cotabato makaraang ang cholera outbreak kung saan namatay ang siyam-katao habang aabot naman sa 600 ang naapektuhan noong Biyernes.
Pinakilos na rin ni Cotabato Gov. Emmylou Lala Talino Mendoza ang mga health officials sa nasabing bayan habang patuloy naman ang tulong na ibinibigay ng pamahalaang probinsiya sa mga residenteng naapektuhan.
Ayon kay Municipal Administrator Ruben Cadava pinakahuling namatay sa cholera si Uga Misig, 51, ng Barangay Dado.
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nakitaan si Misig ng sintomas ng cholera pero bumiyahe pa rin ito sa bayan ng Boldon, Maguindanao kung saan siya namatay dahil sa hindi agad naipagamot.
Samantala, marami pang sitios sa tatlong barangay ang hindi pa ligtas ang tubig na inumin, ayon kay Cadava.
Sinabi rin nito, na bahagyang naapektuhan ang kanilang turismo sa nasabing bayan partikular na ang pamosong Asik-asik Falls.
- Latest