BULACAN, Philippines - – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng tatlong magkakapatid na menor-de-edad matapos na lamunin ng apoy sa naganap na sunog sa Barangay Longos, bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Magkakayakap pa na natagpuan ang mga biktimang sina Robert Juancito, 7; Nowela Juancito, 4; at si Gilbert Juancito, 3, habang nakaligtas naman ang kanilang kuya na si Junell Juancito, 9, pawang nakatira sa Sitio Looban sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni PO1 Alexander Magat, nagsimulang kumalat ang apoy bandang alas-9:45 ng gabi matapos matumba ang gasera na nasa gilid ng mga biktimang natutulog.
Dahil sa barung-barong ang bahay ay mabilis na nilamon ng apoy ang kabahayan kung saan nakulong ang mga biktima at tuluyang sinalubong ni kamatayan.
Samantala, nagawa namang nakalabas ng nakatatandang utol ng mga biktima habang naglalagablab ang kanilang bahay.
Gayon pa man, nang dumating ang amang si Noel mula sa pangungulekta ng mga basura ay nagimbal ito sa sinapit ng kanyang mga anak.