Sanggol iniligtas ng kahol ng aso

MANILA, Philippines - Iniligtas ng kahol ng aso ang isang premature na bagong silang na sanggol na lalaki matapos itong itapon ng menor-de-edad na sariling ina sa tambakan ng basura sa Brgy Labangon, Cebu City kamakalawa ng umaga.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, nagulantang ang isang ginang na residente sa lugar  mag-a-alas-6 ng umaga sa sunud-sunod na kahol ng aso mula sa tumpok ng mga basura.

Inakala umano ng ginang na may tinatahulang pusa ang asong gala kaya napilitan itong bumangon upang itaboy ang hayop at laking gulat nito nang mabungaran ang duguan pang sanggol na walang saplot.

Agad namang umalerto ang mga barangay tanod at nasakote ang isang 17-anyos na babae na bigla na lamang kuma­ripas ng takbo at nakita sa hita nito ang umaagos pang sariwang dugo kaya isinugod ito sa pagamutan at ang kanyang sanggol na premature na 7-buwan pa lamang.

Kasalukuyan namang ina­alam ang kalagayan ng pag-iisip ng nasabing menor-de-edad na sina­sabing nabuntis nang wala sa lugar.

 

Show comments