Sulu encounter: 15 patay, 19 sugatan
MANILA, Philippines - Aabot sa Labing-apat na bandidong Abu SayÂyaf at isang sundalo ang napaslang habang 19 namang sundalong Marine ang nasugatan matapos sumiklab ang madugong bakbakan sa liblib na bahagi ng Barangay Buhanginan, bayan ng Patikul, Sulu noong Martes.
Ayon kay Brig. Gen. Martin Pinto, commander ng 2nd Marine Brigade at Joint Task Force Sulu, bandang alas-4 ng hapon nang umatake ang mga bandido sa tropa ng mga sundalo sa pagtatangkang bawiin ang nakubkob na kampo sa Sitio Kan Jimao.
Gayon pa man, habang nagbabakbakan ay rumesÂponde ang mga armadong kalalakihan para sumaklolo sa kanilang mga kasamahang Abu Sayyaf mula sa bayan ng Talipao at Indanan kaya aabot sa 300 bandido ang nakasagupa ng mga sundalo.
Sa pagtatangkang mabawi ng Abu Sayyaf ang kanilang kampong nakubkob ng mga sundalo ay tumagal ang bakbakan hanggang alas-7 ng gabi.
Nagsitakas naman ang mga bandido tangay ang mga namatay na kasamahan matapos malagasan.
Magugunita na noong Lunes ng umaga ay nakubkob ng militar ang kampo ng mga bandido sa nasabing lugar.
Nagpapatuloy naman ang crackdown operations ng tropa ng militar laban sa grupo ng mga bandido na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa Western Mindanao.
- Latest